GUMACA, Quezon, Philippines — Pormal nang nagpaalam si Quezon 4th District Rep. Helen Tan sa kanyang mga constituent sa pagtatapos ng kanyang termino na tumagal ng 9 na taon kasabay ng pagpapakilala ng kanyang agenda para sa May 9, 2022 election.
Sa kanyang ulat sa bayan, ibinida ni Tan ang kanyang HEALING agenda at sa pagtugon sa COVID-19.
Ang “HEALING” agenda ay kumakatawan sa plataporma de gobyerno para sa “Health, Education, Agriculture, Livelihood, Infrastructure, Nature and Environment/Tourism, at Good Governance” na nakatakdang palawakin sa kanyang pagtakbo bilang gobernador ng Quezon Province.
Naging mainit ang pagtanggap ng higit dalawang libong katao na dumalo sa pagtitipon at FB Live kasama ang mga board member ng Sangguniang Panlalawigan, mga mayor, at iba pang opisyal ng mga lokal na pamahalaan kasama ang iba pang mga panauhin mula sa national government at pribadong sektor.
“Sa kabuuan, higit P26 bilyon na halaga ng mga programa at proyekto sa ilalim ng ating HEALING agenda ang ating pinagsikapang ilaan upang lapatan ng kaagarang lunas ang iniindang sakit ng ating distrito at lalawigan,” ayon kay Tan, chairperson ng House committee on health.
Binigyang diin ni Tan ang pandemic response ng kanyang tanggapan kung saan umabot sa tinatayang 700,000 food packs kasama ng halos 18,000 mga bitamina at gamot ang naipamigay sa mga tinamaan ng pandemya.
Tampok sa kanyang report ang 115 na mga batas na kanyang isinulong kung saan 37 dito ang kanyang prinsipal na iniakda na kinatatampukan ng Universal Health Care Act, Tuberculosis Law, Mandatory PhilHealth Coverage for Senior Citizens, at Doktor Para sa Bayan Act kasama ang pagtatayo ng Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center sa Barangay Potol, Tayabas City.
Bukod pa rito, sinabi ng kongresista na umaabot na sa 85 ang mga batas na naipasa ng Committee on Health ng Kamara sa ilalim ng kanyang pamumuno sa loob ng anim na taon na kinatatampukan ng mga landmark national health reform laws at pagtatayo at pagpapaaayos ng mga ospital sa iba’t ibang mga lugar sa bansa.