Pulis, 3 pa todas sa shootout sa Batangas
BATANGAS, Philippines — Apat katao ang patay kabilang ang isang bagitong pulis habang dalawa pang sibilyan ang sugatan matapos ang barilan sa pagitan ng mga pulis at hinihinalang gun-for-hire group na nagpaplanong itumba ang isang municipal councilor, sa Calatagan, Batangas noong Sabado ng gabi.
Kinilala ang nasawing police officer na si Patrolman Gregorio Panganiban Jr, nakatalaga sa Calatagan Police Station bilang Assistant Finance Police Non-Commissioned Officer at miyembro ng Traffic Patrol Team.
Nagtamo si Panganiban ng tama ng bala sa kanyang dibdib na naging sanhi ng kanyang kagyat na kamatayan.
Kinilala naman ang tatlong napatay na suspek na sina Joel Robles Herjas, Rolly Herjas at Gabriel Robles Bahia, pawang residente ng Barangay Biga, Calatagan, Batangas.
Kasalukuyan pang ginagamot sa Metro Balayan Medical Center ang dalawang nadamay sa barilan na sibilyan na sina Joselito Carlum at Mayumi Dunaway matapos tamaan ng ligaw na bala sa katawan.
Ayon sa report, nakatanggap ng impormasyon ang Calatagan Municipal Police na mayroon umanong tatlong armadong lalaki na nakatambay sa paligid ng Calatagan Cockpit Arena pasado alas-10:00 ng gabi.
Sa pagsisiyasat, napag-alaman na ang mga armadong suspek ay nagtatangka umanong itumba si Michael Comaya, isang municipal councilor ng Lian, Batangas at administrador ng nabanggit na cockpit arena.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad sa area para i-verify ang nasabing report.
Gayunman, habang paparating ang mga pulis, agad silang pinaputukan ng mga suspek, hudyat para gumanti ang mga ito hanggang sa mapatay ang tatlong gunman.
Tinamaan ng bala sa dibdib si Panganiban at idineklara nang dead-on-arrival sa Metro Balayan Medical Center sa nasabing bayan.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Regional Police Office 4 director Brig. Gen Antonio Yarra sa mga naulila ni Patrolman Panganiban.
“Panganiban diligently performed his duties to suppress the suspects from pursuing their criminal act,” ani Yarra.
“Huwag na kayong magtangka pang gumawa ng krimen o ano mang iligal dahil ang ating kapulisan dito sa PRO-Calabarzon ay nakaalerto at handang tumugon sa anumang mga insidente at ipatupad ang batas,” dagdag ng opisyal.— Ed Amoroso
- Latest