Sa konstruksyon ng Bulacan airport
MANILA, Philippines — Tiniyak ng nangungunang congressional candidate sa ikalimang distrito ng Bulacan ang mas malawak na pakinabang ng mga mamamayan ng lalawigan sa itinatayong international airport.
Ayon kay Atty. Arnel Alcaraz o Triple A, kasama sa kanyang isusulong na panukalang batas ang pagsama sa mga university curriculum sa Bulacan ng mga kursong may kinalamang sa airport management, in-flight training, ground staff work, hospitality courses, food and beverages handling.
Si Alcaraz na kilalang eksperto sa Tariff and Customs Code ay kumakandidatong kongresista sa 5th district ng Bulacan na kinabibilangan ng mga bayan ng Pandi, Balagtas, Bocaue at Guiguinto.
Tubong Pandi si Alcaraz na makailang ulit tinagurian ng mga mamamayan at business sectors bilang “bayani ng pandemya” dahil nang magsimula ang mga lockdown noong March 15, 2020, marami ang nakapansin sa pag-iikot nito habang minamaneho ang elf truck para maghatid ng pagkain sa iba’t ibang lugar sa lalawigan.
“Ginawa naman natin ang paghahatid ng ayuda sa mga kalalawigan natin hindi para mapansin o matukoy na bayani ng pandemya, tawag ng obligasyon ang tingin natin dahil marami ang hindi makalabas ng bahay at marami rin ang nawalan ng trabaho,” sabi pa ni Alcaraz.
Bago pa magsimula ang operasyon ng airport na itinatayo sa bayan ng Bulakan, sinabi ni Alcaraz na kailangang paghandaan na ito upang maraming mamamayan sa lalawigan ang makinabang.
Ang New Manila International Airport o Bulacan International Airport na inaasahang magiging fully operational sa 2026 ay itinatayo ng San Miguel Aero City Inc at inaasahang kayang magamit ng mahigit 100 milyong local at international passengers.