Lalamove delivery rider timbog sa P.4 milyong shabu

SCIENCE CITY OF MUÑOZ, Nueva Ecija, Philippines — Bumagsak sa kamay ng pulisya ang isang dayong delivery rider ng kilalang courier company na Lalamove makaraang makuhanan ng mahigit P.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Bantug ng lungsod na ito noong Biyernes ng gabi.

Sa isinumiteng ulat ni P/Lt. Col. Marlon Cudal, hepe ng pulisya rito, kay P/Col. Jess Mendez, provincial director ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), nakilala ang naarestong suspek na si Aaron Celestino, 22-anyos, binata, nakatira sa Maypajo, Caloocan City na tinukoy na isang high value individual (HVI).

Sa ulat, alas-6:30 ng gabi noong Biyernes nang ikasa ang buy-bust operation ang sanib-puwersang mga operatiba ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Munoz City Police, Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at Provincial Intelligence Unit ng NEPPO sa pakikipagkoordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency-Regional Office 3 (PDEA-RO3) sa Barangay Bantug.

Gamit ang isang P1,000 bill at 16-piraso ng P1,000 boodle money ay nakabili umano ang police poseur buyer sa suspek ng isang transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu na may halagang P17,000.

Pagkaabot ng droga ay agad na inaresto ang suspek ng mga nagpakilalang miyembro ng pulisya. Nang kapkapan pa ang suspek ay may nakuha sa kanyang coin purse na walo pang sachet ng umano’y shabu na tumitimbang ng 58 gramo at nagkakahalaga ng P394,400.

Nakatakdang sampahan ng kaso ang suspek dahil sa paglabag sa Section 5 at 11, Article 2 ng R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Show comments