BALATAN, Camarines Sur, Philippines — Nauwi sa trahedya ang paglalaro ng tatlong bata na magkakaanak matapos maengganyong maligo sa spillway hanggang sa lamunin ng ilog sa Zone-1, Brgy. Luluasan ng bayang ito kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Gabriel Andaya, 5-anyos, kapatid nitong si Lian Rime, 3-anyos, at pinsan nilang si Lansen Andaya Ilanan, 4-anyos; pawang residente ng Zone-4, Brgy. Luluasan, Balatan, Camarines Sur.
Sa ulat ng Balatan Police, dakong alas-4:10 ng hapon habang naglalaro ang tatlong biktima kasama ang isa pa nilang kamag-anak na si “Shiela”, 4-anyos nang biglang magkayayaan sa spillway na konektado sa ilog at tinatayang may kalahating kilometro ang layo mula sa kanilang mga bahay.
Gayunman, habang nasa lugar at masayang nagtatampisaw na sa spillway ang mga bata nang hindi nila namamalayan na napunta na ang tatlo sa malalim na bahagi ng ilog at biglang naglaho.
Nasaksihan ito ni Shiela kaya kumaripas ng takbo at humingi ng tulong kay Roberto Ilanan, tatay ng isa sa mga nalulunod na bata na mabilis na pinuntahan ang lugar.
Nang marekober ang tatlong paslit ay sinubukan pa silang isugod ng mga kaanak at residente sa Balatan Rural Health Unit pero hindi na sila umabot nang buhay.