MANILA, Philippines — Nadakip ng mga operatiba ng Joint Task Force Sulu at Philippine National Police (PNP) ang umano’y pangalawang asawa ni Abu Sayyaf Group (ASG) bomb-maker Mundi Sawadjaan sa isinagawang pagsalakay sa Brgy. Tulay, Jolo, Sulu noong Sabado.
Kinilala ni Joint Task Force-Sulu commander Brigadier General Ignatius Patrimonio ang suspek na si Nursitta Mahalli Malud alyas “Kirsita Ismael”, 34, na isa rin umanong bomber.
Batay sa report, si Malud ang namamahala ng pera ng grupo ni Sawadjaan at responsable sa pagbili ng mga sangkap sa paggawa ng improvised explosive device (IED).
Nabatid na inaresto ang nasabing babaeng terorista nang isilbi ng mga awtoridad ang search warrant laban sa kanya para sa paglabag sa Republic Act 9516 o Illegal Possession of Explosives. Nakuha dito ang isang pampasabog at mga sangkap sa paggawa ng bomba.