TAYABAS CITY, Philippines — Nagkaisa ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan dito sa pagkilala at pasasalamat sa mga nagsusulong sa pagtatayo ng Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center (SLMSMC) sa Brgy. Potol na inakda sa Kongreso ni Quezon 4th District Rep. Angelina “Helen” Tan.
Pinangunahan nina Mayor Ernida Reynoso, Vice Mayor Manuel Maraig at mga kagawad ng Sangguniang Panglunsod (SP) kasama ang 66 na punong barangay at mga barangay kagawad ang Testimonial and Awarding Ceremonies na ginanap noong Sabado ng umaga sa covered court ng Tayabas East Central School.
Nagpasa rin ng apat na resolusyon ang SP ng Tayabas na nagsasaad ng pasasalamat kina Tan, Quezon 1st District Rep. Wilfrido Mark Enverga, Ilocos Sur 1st District Rep. Deogracias Victor Savellano at kina Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto at Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go bilang nasa likod ng panukalang batas na pasado na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Senado at naghihintay na lamang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maging ganap itong batas.
Bilang health advocate at House committee chairperson on Health, prayoridad ni Tan ang kahalagahan ng kalusugan ng kanyang mga kababayan lalo na sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Aniya, maraming makikinabang sa itatayong ospital dahil ito’y maglalaman ng mga makabagong pasilidad na inaasahang matutugunan ang pangangailangan ng mga pasyente kabilang ang mula sa Southern Tagalog region at mga lalawigan ng Aurora, Palawan, Marinduque, Romblon at hanggang sa Bicol.