TABUK CITY, Kalinga, Philippines — Muli na namang nagwasak ang mga awtoridad ng nasa P300 milyong halaga ng marijuana matapos madiskubre ang mas marami pang plantasyon sa bulubunduking bahagi sa bayan ng Tingalayan ng lalawigang ito, kamakalawa.
Ayon sa ulat ng Kalinga Provincial Police Office, umabot sa 1,577,500 ang kabuuang bilang ng mga tanim na marijuana ang winasak ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI), Cordillera Police, at 503rd Infantry Brigade ng Philippine Army kasunod ng kanilang pagkakasamsam sa may 102,000 gramo ng dried marijuana leaves; 86,000 gramo ng marijuana seeds; 20,000 gramo ng marijuana fruiting tops, at 15,000 gramo ng marijuana stalks.
Ayon sa ulat, umabot sa 11 na plantasyon ng marijuana ang nadiskubre sa joint operation ng mga awtoridad sa Barangay Tulgao; 12 plantasyon naman sa Barangay Loccong at dalawa pa sa Brgy. Butbut; pawang sa Tinglayan.
Tinatayang nasa 121,300 square meters ang lawak ng mga natamnan ng marijuana na kasalukuyang pinababantayan ng mga awtoridad matapos ang pagbunot at pagsunog sa mga nasabing droga.
Nauna rito, umabot sa P103 milyong halaga ng marijuana ang unang winasak ng mga awtoridad sa tatlong araw nilang operasyon sa bahagi ng Barangay Tulgao East at Mt. Chumanchil, Barangay Loccong sa nasabing bayan.
Ayon kay Nolcom commander Lt. Gen. Ernesto Torres Jr., katuwang ang PNP at PDEA ay matagumpay nilang winasak ang 14 na plantasyon ng marijuana at umabot sa 485,900 fully grown marijuana plants at 72,000 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana kabilang na ang 5,000 gramo ng marijuana seeds ang kanilang sinira at sinunog.