MANILA, Philippines — Nalambat na ng Philippine National Police Bikol ang 63-anyos na suspek na "number one most wanted" sa buong rehiyon para sa patung-patong na kaso ng panghahalay — lagpas 1,000 counts nito.
Sa ulat ng Catanduanes Police Provincial Office, Huwebes, hinainan ng warrant of arrest ang akusadong itinago sa pangalang "Ai" hapon ng ika-2 ng Marso 2022 sa bayan ng Caramoan.
Libu-libong counts ng panggagahasa ang makikita sa warrant na inisyu ni Hon Genie G. Gapas-Agbada, Presiding Judge, Regional Trial Court, Branch 42, Virac, Catanduanes laban sa suspek. Ilan na rito ang:
- 900 counts ng statutory
- 382 counts ng rape
- 150 counts ng statutory rape
- 55 counts ng rape
'Walang piyansa sa panghahalay ng apo'
Sa Anti-Rape Law (Republic Act 8353), ang pang-aabusong sekswal sa lalaki man o babaeng 12-anyos pababa ay tinatawag na statutory rape at mas pinabibigat nito ang reklamong inihain.
"Walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa lahat ng 1487 bilang ng kaso para sa kanyang pansamantalang paglaya," ayon sa pahayag na inilabas ni Maj. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office-Bicol.
"Sa kaso ng dalawang naging biktima, sila ay pinagsamantalahan mula sa edad na 8 hangang sa mag-13 anyos habang ang pinsan nito na isa ring biktima ay pinagmasantalahan nang siya ay 9 na taong gulang hanggang siya ay mag-12 anyos."
Nasa pangangalaga na ng isang "safe haven" ang mga biktima at binibigyan na raw ng karampatang atensyon at interbensyon upang malayo sila sa panganib.
Ang suspek ay nakakulong na sa Caramoan MPS at iprepresenta na sa hukuman. Itinago ang pangalan ng sangkot at mga biktima upang maprotektahan ang kanilang pagkikilanlan sa ilalim ng RA 10173 o Data Privacy Act of 2012. — James Relativo