MANILA, Philippines — Isa ang patay habang isa ang nasugatan matapos pagbabarilin ng dalawang lalaki na lulan ng isang motorsiklo ang sinasakyang gas tanker truck ng mga biktima sa Maharlika Highway, Sto. Tomas City, Batangas, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Mario Masa, 64, residente ng Brgy. San Andres, Alaminos, Laguna na siyang nakaupo sa passenger seat ng mini tanker.
Nasugatan naman ang driver na si Jayson Villones, 40, tubong Pagbilao, Quezon at residente ng Brgy. San Agustin Sto. Tomas City, Batangas.
Batay sa report ng Sto Tomas police, alas- 8:30 ng umaga ay tumatakbo patungong direksyon ng Sto. Tomas City ang gas tanker galing sa direksyon ng Alaminos at nang pagsapit sa Brgy. San Miguel ay sinabayan ito sa kanang bahagi nang motorsiklong sinasakyan ng dalawang suspek at dito ay niratrat ng backrider ang passenger side na siyang agad ikinamatay ni Masa.
Matapos ang pamamaril, iniwan ng mga suspek ang sinasakyang kulay itim na motorsiklo at tumakas sa pamamagitan ng pagsakay sa isang pampasaherong jeep na pabalik sa direksyon ng Alaminos-San Pablo area.
Isinugod naman sa Brgy. San Miguel ang sugatang driver ng gas tanker na nagtamo ng tama sa ibaba ng kilikili.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Sto. Tomas police at inaalam kung sino ang may-ari ng iniwang motorsiklo at ang pagkakakilanlan ng isa sa mga suspek na pawang nakasuot ng itim na helmet.— Ed Amoroso