MANILA, Philippines — Nahaharap sa patung-patong na kaso ang konsehal ng Lopez, Quezon matapos ireklamo ng kapwa konsehal dahil sa umano’y mga paglabag sa “Bayanihan To Heal As One Act”.
Ayon sa ulat, si Lopez Councilor Arkie Yulde ay sinampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman dahil sa paglabag umano nito sa mga probisyong nakasaad sa Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.
Sa reklamo ng isang Isaias Bitoin Ubana II, miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon, inilahad nito ang mga pagkakataong inilagay ni Yulde sa delikadong sitwasyon ang mamamayan ng Quezon sa gitna ng pagkalat ng COVID-19 noong Mayo, 2020. Ito’y matapos na mag-post sa kanyang Facebook page si Yulde ng isang flowchart na tinawag nitong “Guidelines on the Implementation of Community Quarantine”.
Batay sa reklamo, hindi umano ito ang opisyal na guidelines mula sa Inter-Agency Task Force on the Management of Infectious Diseases (IATF-IED) na siyang tanging gumagawa ng pag-aaral at mga rekomendasyon ng pamahalaan patungkol sa COVID-19.
Dagdag pa nito, tadtad ng technical errors at maling impormasyon ang nasabing flowchart dahil hindi naman miyembro si Yulde ng IATF sa nasabing lugar, at dahil sa maling impormasyon, nagresulta ito sa pagkalito ng mga residente.
Sa pangalawang pagkakataon, muling nilabag umano ni Yulde ang batas kung saan naunang nagsagawa ng relief operations na hindi dumaan sa tamang proseso, koordinasyon at walang kaukulang permit para nasiguro na nasusunod ang mga health protocols na inilatag ng IATF.
Sa nasabing relief operations sa iba’t ibang barangay ng Lopez, makikita sa ilang larawang inilabas sa FB page nito na wala itong suot na face masks na paglabag sa R.A. 11469 at sa Municipal Ordinance 2020-04 (Annex ‘n’) na siyang binuo ng Sangguniang Bayan ng Lopez, kung saan miyembro ang nasabing konsehal.