MANILA, Philippines — Muling binubuksan ng Sorsogon ang pintuan nito para sa mga biyaherong lokal at dayuhan nang may mas magagandang imprastruktura, mas maayos na pasilidad, at mga karagdagang atraksiyon sa ilang lugar ng turismo, ayon kay Gov. Chiz Escudero.
Tiniyak ni Escudero na isang mas maganda at mas maayos na probinsiya ang daratnan ng mga turista kapag bumisita sila sa Sorsogon ngayong niluwagan na ang mga restriksiyon sa pagbibiyahe dahil na rin sa pagbaba ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa darating na Marso 5, pangungunahan ni Escudero ang inagurasyon ng bagong Bulusan Eco-Tourism Center and Facilities at Bulusan Eco-Adventours sa Bulusan Natural Park na isinara mula nang mag-umpisa ang lockdown noong Marso 2020.
Kabilang sa mga pinaganda at pinalawak na amenidad sa Bulusan Park ang isang al fresco coffee shop at restaurant, espasyo para sa massage at spa, at mas malaking souvenir shop.
Umaasa ang hepe ng Sorsogon Provincial Tourism na si Bobby Gigantone na maeengganyo ng bayan ng Bulusan ang kahit maliit na porsiyento ng mga nagpuntang 141,000 turista noong 2019 ngayong unti-unti nang nagbabalik-normal ang sitwasyon.