MANILA, Philippines — Idineklara ang Ilocos Region bilang kauna-unahang rehiyon sa buong bansa na “insurgency free” matapos lagdaan kahapon ng Joint Regional Development Council 1 (RDC), Regional Peace and Order Council 1 (RPOC), at Regional Task Force (RTF-ELCAC) 1, ang Resolution No. 1 s. 2022 na nagdekdeklara ng “State of Stable Internal Peace and Security” sa Region 1.
Ang signing ceremony na isinagawa sa EM Royalle Hotel & Beach Resort sa San Juan, La Union ay dinaluhan ni Northern Luzon Command (NOLCOM) Commander Lt. Gen. Ernesto Torres Jr., kasama sina National Security Adviser Secretary Hermogenes C. Esperon, Jr, Chairperson, RTF-ELCAC 1; La Union Governor Francisco Emmanuel “Pacoy” Ortega III, chairperson, RPOC 1; Vigan City Mayor Juan Carlo S. Medina, chairperson, RDC 1; at mga lokal na opisyales.
Ayon kay Lt. Gen. Torres na sa pagtatapos ng insurhensya sa Ilocos Region, gagawin ng NOLCOM ang lahat para wakasan na ang aktibidad ng mga teroristang komunista sa iba pang rehiyon sa kanilang area of responsibility.
Matatandaang inatasan ni Pangulong Duterte ang AFP na wakasan na ang kilusang komunista sa buong bansa bago matapos ang kanyang termino.