MANILA, Philippines — Sinisilip na ng pulisya ang anggulong “mistaken identity” sa pananambang sa apat katao na ikinasawi ng tatlo noong Linggo sa San Carlos City, Negros Occidental.
Sa report ng San Carlos City Police, idineklarang dead-on-the-spot ang mga biktima na sina Andre Fajardo, 18, ng Ylagan extension, Brgy. 6; Russel Bucao, 40, ng Urban Phase 1, Brgy. Rizal; Rudy Dela Fuente, 51; pawang sa San Juan Baybay, San Carlos City.
Ginagamot naman sa ospital si Renante Chui, 27, ng Brgy. 6, San Carlos City, matapos masugatan sa insidente.
Kinukumpirma ng mga awtoridad ang kinalaman ng isang nagngangalang “Iraq” na siyang may-ari umano ng kulay puting kotse na Mazda 3 na sinakyan ng mga biktima.
Lumilitaw na sangkot umano sa illegal na droga si Iraq.
Ayon kay San Carlos City Police deputy chief Lt. Ruby Aurita, alas-10 ng umaga habang papunta ang mga biktima sa sabungan lulan ng nasabing sasakyan nang pagbabarilin ng apat na hindi kilalang lalaki sa liblib na Hacienda Villa Lina, Brgy. Palampas.
Narekober sa crime scene ang 58 basyo ng bala ng 5.56mm assault rifle.