LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Makalipas ang halos higit tatlong taong pagtatago, sumuko na kahapon sa Legazpi City Police ang 10 pulis na inakusahan na nasa likod sa kontrobersiyal na pagpatay sa dating bodyguard ni Atty. Glen Chong at sa isa pa noong Disyembre 10, 2018 sa Cainta, Rizal.
Kinilala ang mga sumuko na sina P/Staff Sgt. Julius Villadarez ng Quezon City, Staff Sgt. Richard Raagas, Cpl. Arthur Gerard Ignacio, Patrolman Napoleon Relox, Patrolman Jordan Antonio, Patrolman Marvin Santos, Patrolman Terry Anthony Alcantara, pawang taga-Rizal; Patrolman Efren Areola Jr. at Cpl. Erwin Macam ng Pangasinan, at Cpl. Diogenes Barrameda Jr. ng Antipolo City, Rizal, lahat ay kasapi ng PNP Highway Patrol Group at Police Regional Office (PRO) 4A.
Ayon kay PRO-5 director Brig. Gen. Jonnel Estomo, dakong alas-10:30 ng umaga nang magpunta sa Legazpi City Police Station ang mga suspek at sumuko.
Ang sampung pulis ay bahagi ng 20 na suspek na sinampahan ng 2-counts of murder o kasong pagpatay kay Richard Red Santillan at Gessamyn “Minmin” Casing sa RTC Branch 99 sa Antipolo City na naglabas ng warrant of arrests laban sa kanila.
Sumuko umano ang mga suspek upang pabulaanan ang alegasyon at para harapin ang kasong isinampa laban sa kanila.