MANILA, Philippines — Nakatikim ng 5.3 magnitude na lindol ang epicenter na Abra de Ilog, Occidental Mindoro, Lunes, dahilan para maramdaman ito ng ilang lugar sa kapuluan ng Luzon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Naitala ang pag-uga ng lupa bandang 3:22 p.m. ngayong araw, at sinasabing "tectonic" ang pinagmulan nito.
#EarthquakePH #EarthquakeOccidentalMindoro#iFelt_OccidentalMindoroEarthquake
Earthquake Information No.1
Date and Time: 21 Feb 2022 - 03:22 PM
Magnitude = 5.3
Depth = 106 km
Location = 13.58N, 120.68E - 016 km N 18° W of Abra De Ilog (Occidental Mindoro)https://t.co/1GuqHCwr25 pic.twitter.com/EGmvj6PJMD— PHIVOLCS-DOST (@phivolcs_dost) February 21, 2022
Ilan sa mga nakaranas ng Intensity III (weak) dulot ng lindol ang Puerto Galera, Oriental Mindoro habang Intensity II (slightly felt) lang ito sa Quezon City, patuloy ng Phivolcs kanina.
"Kapag tinignan po natin sa mapa, halos nasa may katubigan na po siya," ayon kay Paolo Sawi, Science Research Assistant ng Phivolcs, sa panayam ng dzBB kanina.
"Meron din po kaming mga Intensity III na nakuha po along Batangas po."
"Ang possible source po ng lindol po na 'to, ang tinitignan namin is 'yung Manila Trench po, since malalim po siya."
Isinasantabi pa naman ng state volcanologists ang posibilidad na may kinalaman sa aktibidad ng Bulkang Taal ang nasabing paggalaw ng lupa.
Bagama't wala pang inaasahang pinsala mula sa nasabing earthquake, posibleng makaranas ng mga susunod na mas mahihinang lindol (aftershocks) kaugnay ng 5.3 magnitude na pagyanig.
Kahit na halos nasa katubigan ang pinagmulan ng lindol, walang inilabas na tsunami warning ang Phivolcs kaugnay ng nasabing insidente.