MANILA, Philippines — Napasubo lang umano si Baguio City Mayor Benjamin Magalong nang itaas nito ang kamay ni Vice Presidential candidate Senador Kiko Pangilinan noong bumisita sa kanya nitong nakaraang Huwebes.
Sinabi ni Magalong na habang nagpapakuha sila ng litrato ni Pangilinan ay may isang kaibigan niya ang sumigaw na itaas ang kamay ng senador.
Dahil na on the spot umano ang alkalde habang nakapila kung saan dapat ay magpapa-picture lang sila subalit isang konsehal niya ang nagsabi na baka maaaring itaas niya ang kamay ni Pangilinan.
“Alangan naman na sabihin ko, ay hindi, Hindi Hindi ako mag...I was placed on the spot,” paliwanag pa ni Magalong.
Kaagad naman umanong ipinaalam ni Magalong kay Vice Presidential aspirant Vicente Sotto III ang nangyari na naunawaan naman agad ng senador.
Nilinaw ni Magalong na nananatili ang kanyang suporta kay Sotto at ka-tandem nitong si presidential aspirant Senador Panfilo Lacson dahil tanging sila lang umano ang nakikita niyang may pag-asa na maayos ang gobyerno at ang buhay ng mga Filipino.
Para naman kay Sotto, mangyayari talaga ang mga ganitong bagay at ang mahalaga umano ay ang assurance kaysa sa gestures o claim ng iba.