CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Matapos ang halos dalawang dekadang pagtatago sa batas, apat sa pitong suspek sa pagpatay sa isang lalaki ang nadakip sa kanilang pinagtataguang bahay sa magkakaibang pagsalakay ng mga awtoridad sa Laguna nitong Sabado.
Kinilala ni Col. Rogarth Campo, Laguna police director ang mga naaresto na sina Jerry Valenzuela, 43; Brian Balatian, 41; parehong construction worker; security guard na si Louie Balatian, 46, at Hanny Villegas, 45; pawang residente ng Santa. Cruz, Laguna. Ang mga suspek ay naitala na number, 5, 6, 7, at 8 na most wanted person sa Regional Level, ayon sa pagkakasunod. Sila ay nasa kustodya na ng Santa Cruz Police at nakakulong.
Ayon naman kay Lt. Col. Paterno Domondon, hepe ng pulisya ng Sta. Cruz,ang tatlo sa pitong suspek ay nauna nang naaresto sa pagpatay sa biktimang si Ariel Ching noong Agosto 16, 2003.
Sinabi ni Domondon na hawak na nila lahat ang mga suspek sa pagpatay na positibong kinilala ng mga testigo.
Ang ginawang pagsalakay ng mga operatiba sa mga bahay ng mga suspek ay base sa bisa ng inilabas na warrant of arrest ng korte sa kasong murder.Lumalabas na lasing umano noon si Ching at nanggugulo sa Barangay 1 Poblacion, Santa. Cruz habang nagkakasayahan sa kanilang festival kaya inatake at napatay ng mga suspek.