Pulis na lulong sa online sabong arestado sa holdap
CAMP VICENTE LIM, Laguna — Isang bagitong pulis ang naaresto sa panghoholdap sa isang gasolinahan sa Sto. Tomas, Batangas, kamakalawa.
Kinilala ni Col. Rogarth Campo, Laguna police director, ang suspek na si Patrolman Glenn Malijan Angoluan, nakadestino sa 2nd Provincial Mobile ForcCo. sa Laguna Provincial Police Office.
Batay sa ulat, bago naaresto ang suspek sa isang checkpoint sa kahabaan ng National Highway, alas-2:30 ng madaling araw ay nakatanggap ang mga pulis mula sa isang concerned citizen na may isang lalaki na hinoholdap ang Uni-Oil Gasoline Station na matatagpuan sa Barangay Santiago, Sto. Tomas, Batangas.
Kaya naman agad nagsagawa ng police checkpoint sa posibleng daraanan ng suspek na sakay ng itim na motorsiklo at nakasuot ng gray hoodie sweater at jogging pants patungo sa erya ng Laguna.
Nang dumaan ang suspek ay agad itong pinara ng mga pulis at inaresto.
Inamin ng suspek na siya ang responsable sa panghoholdap sa mga convenience stores Laguna partikular sa Pagsanjan, Los Baños, Alaminos at Sto. Tomas City, Batangas.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang suspek ay nahaharap sa problemang pinansyal dahil sa pagkalulong sa online sabong. Kinasuhan na ang suspek ng robbery at administratibo.
- Latest