SULTAN KUDARAT, Maguindanao, Philippines — Nasa 300 na pamilya ang nagsilikas dahil sa mga patayan at karahasan ng naglalabanang armadong grupo ng mga Moro sa lalawigang ito.
Ayon sa militar, nagsasagawa na ng hakbang ang mga awtoridad upang maresolba ang “rido” o “clan war” sa Sultan Kudarat kasunod ng engkuwentro ng nag-aawayang pamliya na naging dahilan upang magsilikas ang libong indibiduwal na naiipit sa bakbakan.
Hinikayat kahapon ni Major Gen. Juvymax Uy, commander ng 6th Infantry Division ng Philippine Army ang mga lokal na opisyales dito na pumagitna at pahupain ang naglalabang grupo upang maiwasang maapektuhan ang iba pang mga residente sa Barangay Sinditan na siyang pinangyarihan ng engkuwentro.
Ang dalawang magkalabang grupo, isa ay pinamumunuan “Commander Gringo” at sa kabila ay isang Jun Barang, ay naglalaban para makuha umano ang kontrol sa mga “strategic areas” ng Barangay Sinditan.
Sinabi ni Col. Jibin Bongcayao, Maguindanao provincial police director, ang magkabilang panig ay huling nagkaengkuwentro gamit ang mga assault rifles noong Sabado ng umaga sanhi upang matakot at mag-evacuate ang daan-daang residente patungo sa mas ligtas na lugar.
Sa report ng chief of police rito na si Lt. Col. Sabri Lakibul, dalawa ang napatay mula sa isang naglalabanang grupo noong Sabado na lalo pang nagpatindi sa kanilang awayan.
Sinabi ni Uy, kasalukuyan nang kumikilos ang ceasefire committee ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang resolbahin ang rido sa pagitan ng dalawang grupo na sinasabing mga kasapi rin ng MILF.