CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — May 80 na batang nagkaka-edad 5 hanggang 11 ang matagumpay na nabakunahan kontra COVID-19 virus noong Huwebes sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center sa lungsod na ito.
Pinamunuan nina Department of Health (DOH) assistant secretary Maria Francia Laxamana at Regional Director Corazon Flores ang pagbabakuna ng Pfizer modified vaccine para sa mga batang Novo Ecijano.
Karamihan sa 80 na nabakunahan sa unang araw ng “Resbakuna for Kids” ay mga kamag-anak ng mga health workers sa lalawigan na isang paraan din upang mahikayat ang iba pang mga magulang na mapabakunahan ang kanilang mga anak.
Ayon kay Laxamana, mahalagang maipaunawa sa lahat, partikular sa mga magulang na ligtas ang bakuna na nakapagbibigay proteksiyon laban sa COVID-19 at maipaalam ang isinasagawang vaccination rollout ng pamahalaan.
Pasasalamat at pagkilala ang ipinabot ni PJGMRMC Chief Dr. Hubert Lapuz sa buong vaccination team na nakatutok simula pa noong unang rollout ng bakuna hanggang sa kasalukuyan.