Ex-bodyguard ng Abra mayor dinukot
BAGUIO CITY , Philippines — Dinukot ng mga armadong kalalakihan ang isang bodyguard ng dating alkalde sa isang bayan sa lalawigan ng Abra noong Martes ng umaga.
Kinilala ang nawawalang biktima na si Lyndon Bagay Alzate, 40, private security personnel ni dating Manabo town mayor Darrel Domasing.
Sa ulat, sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo patungo sa Barangay Ayyeng proper, Manabo galing ng Sitio Sapdaan proper nang ito ay buntutan ng isang itim na pick-up type na walang plaka.
Pagdating sa tulay ng Sitio Sapdaan ay hinarang ang biktima ng 4 armadong lalaking sakay ng nasabing itim na pick up at puwersahang tinangay si Alzate at isinakay sa kanilang sasakyan at mabilis na tumakas patungong Luba town.
Isa sa mga suspek ang kumuha sa motorsiklo ng biktima at sumunod sa kanyang mga kasamahan.
Humingi ng tulong ang live-in partner ng biktima na si Arlyn Mila Abejon, 37, sa Manabo police matapos na siya ay impormahan ng dalawang saksi na nakakita sa pagdukot.
Patuloy ang pangangalap ng ebidensiya ng mga pulis sa naganap na insidente ng pagdukot.
- Latest