Armored van vs motor: 2 patay, 1 kritikal

Kapwa nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan sanhi ng kanilang pagkamatay sina Rubert Buan, 29, driver ng motorsiklo at residente ng Barangay Mason Sur, at angkas na si Peter Benitez, 50, ng Barangay Pahinga Norte.
STAR/ File

CANDELARIA, Quezon, Philippines — Dalawa ang kumpirmadong patay habang isa ang malubhang nasugatan makaraang salpukin ng isang armored van na nawalan ng preno ang kasalubong na motorsiklo sa Candelaria-San Juan Batangas road na sakop ng Barangay Sta. Catalina Sur, kamakalawa ng hapon.

Kapwa nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan sanhi ng kanilang pagkamatay sina Rubert Buan, 29, driver ng motorsiklo at residente ng Barangay Mason Sur, at angkas na si Peter Benitez, 50, ng Barangay Pahinga Norte.

Kasalukuyan namang ginagamot sa Peter Paul Hospital dahil sa tinamong mga sugat ang isa pang backrider na si Mark Anthony Benitez.

Ayon sa ulat ng pulisya, bandang ala-1:40 ng hapon ay minamaneho ng security guard na si Crisanto Altez, 45, ng Barangay Bocohan, Lucena City ang JMC armored van patungo sa San Juan Batangas nang mawalan ito ng preno.

Nagpagewang-gewang umano ang takbo ng armored van hanggang sa kainin nito ang kabilang linya ng kalye at tinumbok na banggain ang kasalubong na Candelaria town bound na motorsiklong kinalululanan ng mga biktima.

Dahil sa lakas ng impact ng banggaan, tumilapon ang mga biktima na agad ikinamatay ng rider at isa niyang angkas.                                                            

Show comments