BALANGA, Bataan, Philippines — Kasabay ng pagsisimula kahapon ng kampanya ng mga kandidato para sa May 9 national elections, inihayag ng Bataan Police Provincial Office (PPO) na nasa 570 nilang tauhan ang dineploy para mangasiwa sa “peace and order” sa election period.
Ayon kay Bataan PPO director, P/Col. Romell Velasco, mayroon silang kabuuang bilang na 677 organic police personnel at 570 dito ang itatalaga sa iba’t ibang polling centers, sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) at magbabantay sa seguridad ng mga Board of Election Inspectors sa lalawigan, habang ang natitira ay gagampanan naman ang kanilang mga nakatakdang tungkulin.
Katuwang ng pulisya ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP) at mga force multipliers para sa pagpapanatili ng kaayusan habang papalapit ang May 9, 2022 national at local elections.
Nakatutok din umano ang kanilang hanay sa pagpapaigting ng seguridad sa mga entry at exit points ng Bataan upang masigurong maipapatupad ang safety health protocols na itinakda ng Inter-Agency Task Force laban sa COVID-19.