BALUD, Masbate, Philippines — Kalaboso ang dalawang tulak ng droga kabilang ang isang babae matapos mahulihan ng aabot sa P340,000 halaga ng shabu at makuhanan pa ng sangkap ng mga pampasabog sa ginawang buy-bust sa Purok Balanak, Brgy. Tunga ng bayang ito kamakalawa ng umaga. Kinilala ang mga suspek na sina Jyrel De Lima Dela Cruz alyas “Fritz”, 39-anyos, habal-habal driver at Bella Gabriel Banez, 56, pawang residente ng Purok Sampaguita, Brgy. Poblacion, Balud.
Sa ulat, dakong alas-6:40 ng umaga, kumagat ang mga suspek sa inilatag na buy bust operation ng mga kasapi ng Balud Police, Masbate Drug Enforcement Unit, Regional Drug Enforcement Unit,Provincial Intelligence Unit at 1st Provincial Mobile Force Company. Hindi na nakatakas ang dalawa nang maglabasan ang mga operatiba makaraang iabot nila ang shabu sa poseur buyer.
Maliban sa isang malaking plastic sachet na may lamang 50-gramong shabu, nakuha sa mga suspek ang limang kilong ammonium nitrate at limang blasting caps na mga sangkap sa pampasabog. Kinumpiska rin sa kanila ang motorsiklo na ginagamit nila sa iligal na gawain.