Colonel, inaresto sa kontrobersyal na ‘tsinelas’
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga awtoridad si dating Highway Patrol Group (HPG) chief Col. Bonifacio Bosita sa Surigao del Sur kaugnay ng kontrobersyal na kaso ng “tsinelas” noong nakalipas na taon.
Sa report ng CARAGA Police, nitong Huwebes ay inaresto ng mga elemento ng Tago Municipal Police Station (MPS) sa pamumuno ni P/Major Marietes Salanguit si Bosita, tumatayo ring lider ng Riders Safety Advocates of the Philippines (RSAP) sa bisa ng warrant of arrest sa kasong grave coercion at usurpation of authority or official functions.
Noong nakalipas na taon ay kinastigo ni Bosita ang isang traffic officer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na nanghuli ng motorcycle rider dahil sa ang angkas nito ay nakasuot lamang ng tsinelas.
Sa viral video, makikita si Bosita na hinihikayat ang MMDA personnel na bayaran ang suweldo ng rider na P611 kada araw dahil sa hindi ito nakapag-report sa trabaho matapos siyang hulihin.
Dahil dito, pinagmulan ito ng gusot sa pagitan nina Bosita at MMDA traffic czar Edison “Bong” Nebrija nang ipagtanggol ng huli ang ginawang panghuhuli ng kanyang traffic officer sa naturang rider.
Ang MMDA officer ay nagsampa ng kaso laban kay Bosita bunga ng insidente hanggang sa lumabas ang arrest warrant nito na inisyu ni Presiding Judge Karen Maramba Firme ng Regional Trial Court, Metropolitan Trial Court, National Capital Judicial Region, Branch 60 ng Mandaluyong City noong Disyembre 28, 2021.
Si Bosita na nakakulong sa Tago Police Station ay pinagpipiyansa ng korte ng P36,000 para sa kasong grave coercion at P30,000 sa usurpation of authority.
Sa kabila nito, bumaha naman ng suporta kay Bosita mula sa social media.
Ayon sa mga netizens, maraming riders ang naka-tsinelas, walang helmet at mga nakaw pa ang motorsiklo na lumalabag sa batas trapiko sa Metro Manila pero nakakalusot lamang sa MMDA samantalang ang isang tulad ni Bosita na tumulong lamang sa rider ay siya pa ang nakasuhan at nakulong.
- Latest