Nanloob ng 2 bahay, huli habang nagsusugal

Kinilala ang suspek na si Arnel Tanael Jr, alias “JR”, 32-anyos, walang permanenteng tirahan.
STAR/ File

CAVITE, Philippines — Arestado ang isang hinihinalang miyembro ng “Akyat Bahay Gang” habang nagsusugal matapos umano nitong pasukin ang dalawang bahay kahapon ng madaling araw sa Brgy. Talaba 2, Bacoor City.

Kinilala ang suspek na si Arnel Tanael Jr, alias “JR”, 32-anyos, walang permanenteng tirahan.

Sa ulat ni P/MSg Edison Fetalcurin, ala-1 ng madaling araw nang masakote ang suspek sa isang grupo ng mga kalalakihan na naglalaro ng Cara y Cruz sa natu­rang lugar.

Nauna rito, nakatanggap ng magkasunod na report ang pulisya hinggil sa dalawang bahay na nabiktima ng Akyat Bahay Gang.

Unang biktima ay nakilalang si Jenica Tejada, 31-anyos, self-employed kung saan sinira ng suspek ang likurang bintana ng bahay nito at dito dumaan papasok at nata­ngay ang may P3, 600.00 cash.

Hindi pa nasiyahan ang suspek, sinunod na pinasok ang bahay ng fish vendor na si Butch Vargas, 33, at tinangay ang isang Oppo cellular phone na nagkakahalaga ng P7,000 at P4,000 cash.

Lingid sa kaalaman ng suspek, nakilala siya ng huli niyang nabiktima na agad humingi ng tulong sa barangay at itinawag sa pulisya na nagsagawa ng follow-up operation.

Show comments