MANILA, Philippines — Dahil sa pag-iwas sa obligasyon, tinuligsa kahapon ng legal counsel ng isang electric cooperative at dating board member ng Quezon province si Gov. Danilo Suarez dahil sa hindi pagbabayad ng P4 milyong utang sa kuryente sa isang fishing facility na pinatatakbo umano ng kanyang pamilya.
Ayon kay Frumencio “Sonny” Pulgar, legal counsel ng Quezon 1 Electric Cooperative, Inc. (Q1ECI) na nakabase sa Brgy. Poctol, Pitogo, Quezon, nitong Enero 12 ay umabot na sa P4,530,276.09 ang pagkakautang sa Q1ECI ng palaisdaan ni Suarez na Fin Fish Hatchery (FFH).
Sa kanyang demand letter, hiniling ni Pulgar na kailangang magbayad ng obligasyon si Suarez sa loob ng 5 araw kundi ay gagawa sila ng kaukulang administrative, civil, at criminal actions.
Sa kabila nito, iginigiit ng kampo ni Suarez na ang power consumption ng FFH na nasa Brgy. Punta, Unisan ay sa ilalim ng account ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Dahil dito, sinulatan ni Victor Cada, acting general manager ng Q1ECI, si Allan Castillo, provincial officer-in-charge ng BFAR sa Lucena City para magbigay-linaw sa isyu.
Pero sa sagot ni Castillo nitong Enero 7, sinabing ang account ng Unisan Multi-Species Hatchery na kumokober mula Marso 2020-Nov. 2021 ay hindi sagutin ng BFAR at tanging ang security guard services lamang ang kanilang binabayaran base sa isang kasunduan simula noong 2011.