PILI, Camarines Sur, Philippines — Bulagta ang isang high value individual na drug pusher matapos manlaban sa buy-bust operation ng mga pulis at nabawi ang may P6.8 milyong halaga ng shabu sa Brgy. La Purisima, bayan ng Pili sa lalawigang ito kamakalawa ng gabi.
Patay agad makaraang mapuruhan ng punglo sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang suspek na nakilalang si Glen Gan, nasa hustong gulang, residente ng Naga City Subdivision, Brgy. Triangulo, Naga City.
Sa ulat, dakong alas-11:30 ng gabi, kumagat ang suspek sa inilatag na buy-bust ng mga kasapi ng Regional Drug Enforcement Unit 5, Provincial Intelligence Unit at Pili Police.
Nang iabot ng suspek ang biniling shabu sa poseur buyer at akmang aarestuhin na ay bumunot ng baril ang una kaya pinutukan na siya ng mga nakatagong operatiba.
Nabawi mula sa suspek ang isang transparent plastic na may lamang shabu na tumitimbang ng isang kilo at may halagang P6,800,000, isang kalibre 45 baril at boodle money na ginamit sa buy-bust.