MANILA, Philippines — Anim na lugar sa lalawigan ng Apayao na kasalukuyang nasa Alert Level 3 ang nasa “critical risk” sa COVID-19 makaraang makitaan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa loob ng dalawang linggo, ayon kay Dr. Mark Joleen Calban, provincial health officer kahapon.
Tinukoy ang mga bayan ng Flora, Sta. Marcela, Pudtol, Luna, Conner at Cabugao na nasa critical risk habang nasa “high risk” ang bayan ng Calanasan.
Umaabot na sa 311 ang active cases ng lalawigan, o mga pasyenteng ginagamot at nagpapagaling na pawang nasa mild at moderate ang kalagayan.
Karamihan sa mga nahawaan ng virus ay may travel history sa ibang bayan o nalantad sa positibong kaso at close contact.
Kaugnay nito, muling naghigpit ang lalawigan bilang preventive measure upang mapigilan pa ang pagkalat ng nakahahawang sakit.
Ang mga pasyenteng moderate to severe ay tatanggapin lamang sa kanilang dalawang Level 1 hospital; ang mild na kaso ay sa limang district hospitals habang ang mga asymptomatic na pasyente ay ilalagay sa Temporary Treatment and Monitoring Facilities ng bawat LGUs.
Hinigpitan din ang border control sa lalawigan lalo na sa mga indibidwal na hindi pa nababakunahan, pag-test sa mga nakararanas ng sintomas, pagpapalakas sa contact tracing at pagpaalala sa pagsunod sa minimum health protocols.