Piolo, sumabak sa ­coastal cleanup sa Batangas

MANILA, Philippines — Nakiisa ang award winning actor na si Piolo Pascual sa pagsasagawa ng coastal at underwater cleanup sa Batangas.

Ayon kay Ang Probinsyano Partylist Rep. Alfred delos Santos, ang aktibidades ay isinagawa nila ng aktor at ng iba pa nilang mga kasamahan sa Brgy. Mainit, Mabini, Batangas.

Sa nasabing cleanup drive, sinabi ni Delos Santos na nasa kabuuang 135 kilo ng basura ang nakolekta ng 50 volunteers na pinamumunuan ng lokal na tanggapan ng turismo sa nasabing bayan. Sinaksihan ang aktibidad ng mga kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa kaukulang dokumentasyon.

Nabatid na dahil sa pandemya ay sa kaniyang tahanan sa Batangas naglalagi si Pascual at sinusuportahan nito ang karamihan sa mga proyekto ng naturang partylist.

“I am thankful to have been part of this initiative by Ang Probinsyano Partylist. Environmental issues are close to my heart, and I consider Batangas my home now. I fully support the partylist’s call for everyone to act now and act fast,” anang aktor.

Inihayag pa ni Pascual na magiging aktibo rin siya sa pagtulong sa outreach program ng Ang Probinsyano Partylist sa Manila at mga karatig lalawigan sa mga susunod na buwan.

Show comments