HERMOSA, Bataan, Philippines — Winasak ng lokal na pamahalaan ng bayang ito ang 90 na piraso ng maiingay na tambutso ng motorsiklo na nakumpiska sa mga motorista kamakalawa ng umaga.
Alinsunod sa Republic Act 4136 Chapter 4 Section J at sa bisa ng isang Municipal Ordinance ay mahigpit na ipinagbabawal ang mga modified muffler o maingay na tambutso ng motorsiklo at ibang sasakyan.
Sa pamamagitan ng isang maso, pinangunahan ni Hermosa, Bataan Mayor Antonio Joseph “Jopet” Inton na sirain ang mga nakumpiskang modified muffler.
Binalaan naman ng alkalde ang iba na gumagamit pa rin ng mga tambutso na maiingay at bumubuga ng maitim na usok na may karampatang parusa na kakaharapin dahil sa paglabag sa batas.
Panawagan ng mayor sa publiko na sa sinumang lumalabag ay agad i-report o itawag sa numerong 09487676327.