Para sa naninirahan sa peligrosong lugar
MANILA, Philippines — Matapos ang pananalasa ng super typhoon Odette sa bansa na nakaapekto sa libu-libong Pilipino, isinusulong ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero ang pagtatayo ng mga permanente at ligtas na bahay para sa mga pamilyang naninirahan sa mga baybayin at peligrosong lugar upang maprotektahan ang kanilang buhay at ari-arian lalo na sa panahon ng matitinding kalamidad.
Kasabay nito, ipinanukala ni Escudero sa gobyerno na ideklarang “no build zones” ang mga lugar na delikadong tirhan ng tao alinsunod rin sa Republic Act 11038 o “Expanded National Integrated Protected Area System (NIPAS) Act of 2018” kung saan tahasang ipinagbabawal ang pagtatayo ng mga bahay at iba pang permanenteng istruktura sa mga delikadong lokasyon.
“Saksi naman ang lahat na sa kada panahon ng tag-ulan at lalo na kung may malalakas na bagyo, nagkukumahog tayong iligtas ang mga kababayan natin na nakatira sa mga baybayin at peligrosong lugar. Mailigtas man natin sila, sira at giba naman ang kanilang kabahayan at ibang ari-arian,” ayon kay Escudero na naging chairman ng Senate Committee on the Environment and Natural Resources noong 15th Congress.
Binigyang-diin ni Escudero na bukod sa mga tinukoy na no build zones sa mga rehiyon na sinalanta ng super typhoon Yolanda noong 2013, kailangan ding maglabas ang gobyerno ng isang komprehensibong listahan na naglalaman ng lahat ng peligrosong lugar sa bansa na hindi kailanman puwedeng tirhan ng mga tao.