2 pang bahay, mga sasakyan nasira
BULAKAN, Bulacan, Philippines — Patay ang isang lalaking operator habang lima pa ang sugatan matapos sumabog ang steel bolted water tank ng Water District na ikinawasak ng dalawa pang bahay at tinangay ng matinding agos ng tubig ang mga sasakyan sa nasabing bayan kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Ryan Mangio, operator, habang sugatan ang dalawang kawani ng water district na sina Eduaro Carpio, tubero, Ricardo Sulit, operator na nasa lugar, residenteng sina Milagros Tionglo, kanyang kasambahay at isang Jomar Esteban.
Sa Facebook live ng isang residente ng Pangulang, Brgy. Bagumbayan, sinabing pasado alas-6:00 ng umaga nang gulantangin siya ng isang malakas na pagsabog na ‘di kalayuan sa kanyang bahay.
Makikita sa video na patuloy ang agos ng tubig sa kalye habang isang motorsiklo, tricycle at isang van ang tinangay sa gitna ng sapa sa lugar. Isang lalaki rin ang makikitang nakadapa na nakilalang si Esteban na nanghihina sa gilid ng sapa at halos hindi makagalaw dahil sa tinamong pinsala sa katawan bunsod ng pagsabog ng tangke ng tubig.
Base sa video, nadaganan ng bahagi ng pader si Esteban na naunang isinugod ng mga rescuer sa pagamutan.
Sa impormasyon, nasugatan naman si Milagros sa ulo nang tangayin ng malakas na agos mula sa kanilang kuwarto subalit mabilis na nayakap at nasagip ng kasambahay na kapwa sugatan din sa insidente.
Humingi naman ng suporta ang Bulakan rescuer sa 911 para hanapin ang sinasabing si Mangio na kasamang tinangay ng mga sasakyan sa sapa.
Habang sinusulat ang balitang ito, narekober na ng mga rescuer ang katawan ni Mangio na wala nang buhay na hinihinalang nadaganan ng sasakyan hanggang sa malunod sa naturang sapa.
Dahil sa nangyaring pagsabog ng water tank, apektado na ang suplay ng tubig ng mga residente sa nasabing bayan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang malaman kung may kinalaman ang “over pressure” sa pagsabog ng tangke ng tubig.