GAPAN CITY, Nueva Ecija , Philippines — Dinakma ng pulisya ang isang 44-anyos na lalaking janitor ng isang simbahan sa lungsod na ito makaraang matuksong pakialaman ang donation box at tangayin ang P600 na laman nito, noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni P/Lt. Col. Alexie Desamito, hepe ng pulisya rito, ang nahuling suspek na si Robert Quijano, alyas “Iking”, 44, may-asawa at residente ng Sitio Riles, Barangay Sto. Niño, rito.
Ayon sa pulisya, bandang ala-1:30 ng Biyernes ng hapon, itinawag sa kanilang tanggapan ni Rev. Fr. Aldrin Domingo, pari ng National Shrine of La Virgen Divina Pastora and Three Kings Parish church ang nadiskubre ng kanilang kawani na si Mylene de Jesus na pagkuha umano ng suspek ng naturang pera mula sa donation box ng nasabing simbahan.
Sinabi umano ni de Jesus kay Fr. Domingo na kanilang na-monitor sa CCTV recording ng parokya ang ginawa ng suspek na pagbukas nito sa donation box gamit ang isang susi, sabay kuha sa pera na aabot sa P600.
Isinagawa umano ng suspek dakong alas-8:56 ng gabi noong Enero 6 (Huwebes) ang pagdekwat ng donation money na siya namang kapistahan ng Three Kings Parish.
Sasampahan ng kasong qualified theft ang suspek, ayon sa pulisya.