Umangal sa cash advance
BUTUAN CITY, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang 78-anyos na lola na nagmamay-ari ng isang rubber plantation matapos patayin at ilibing sa putikan ng 21-anyos na sariling trabahador nang tumangging magpabale ng suweldo ang una sa Bayugan City, Agusan del Sur kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Adelina Pamelar Ligaray, ng Purok 11, Barangay Marcellina, habang ang suspek ay natukoy na si Jay Crison Auron Pardillo, residente ng Barangay Panaytay; pawang sa Bayugan City.
Sa inisyal na ulat ng Bayugan City Police, dakong alas-6 ng gabi nang maganap ang krimen.
Nauna rito, nabatid na pinagalitan umano ng matandang biktima ang kanyang trabahador na si Pardillo dahil sa laging bumabale o humihingi ng cash advance para sa kanyang suweldo sa pagtatrabaho sa plantasyon ng una sa Bayugan City sa kabila na hindi pa umano tapos ang work contract nito.
Iginiit umano ng suspek na ibigay ng biktima ang pera nito kaya nagbunsod ng kanilang mainitang pagtatalo.
Sa tindi ng galit, dumampot ng malaking bato ang suspek saka ihinataw sa ulo ng matandang amo.
Matapos na mapatay ang amo, ibinaon ng suspek ang bangkay ng matanda sa may maputik na bahagi sa naturang lugar upang maitago ang ginawang krimen.
Humingi naman ng tulong ang mister ng biktima na si Emilio Ligaray, 69, sa pulisya na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek kamakalawa ng gabi.
Sasampahan ng kasong murder ang suspek ngayon araw, ayon sa pulisya.