AMADEO, Cavite, Philippines — Namatay noon din ang isang babaeng guro nang malapitang barilin sa ulo sa tapat ng kanyang bahay sa Brgy.Salaban, ng nasabing bayan ng isa sa limang suspek, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawi na si Normita San Juan Bautista, nasa hustong gulang, school teacher ng Tagaytay National High School at residente ng nasabing lugar.
Ang mga suspek na naaresto ay nakilalang sina Amanda Siresena Karunasinghe, 59; Celina De Luna, 51, isang dating guro; Antonio Romeroso, 53; Benidic Cabasi, 43; at Mark Romeroso, 21, pawang mga residente ng Purok 3, Brgy. Lalaan 2nd, Silang, Cavite.
Lumalabas na ang motibo ng pagpatay sa biktima ay tungkol sa pag-aaring bahay at lupa nito na kung saan ang mga suspek ay nangungupahan sa kanya at ibinenta na walang kamalay-malay ang una.
Nang malaman ng biktima ay nagalit ito na nauwi sa mainitang pagtatalo dahilan upang palayasin nito ang mga suspek sa kaniyang bahay.
Dito na pinagplanuhan ng mga suspek ang pagpatay sa biktima at umupa pa ng gunman na siyang bumaril sa biktima.— Ed Amoroso