MANILA, Philippines — Pinasok na rin ng Omicron variant ang Iloilo City matapos na maitala ang unang kaso nito sa lungsod.
Ayon kay Mayor Jerry Treñas, kinumpirma kahapon ng Philippine Genome Center na isang 46-anyos na tripulante mula sa Barangay Sooc, Arevalo district ang tinamaan ng nakahahawang Omicron variant.
Sa ulat mula sa Iloilo City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), ang nasabing seafarer ay bumaba ng barko mula Kenya noong Disyembre 12. Siya ay sumailalim sa reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test at lumabas na negatibo ang resulta nito noong Disyembre 14.
Nakauwi ang naturang Pinoy seaman sa Cebu mula Kenya noong Disyembre 16 sakay ng Qatar Airways Flight at makalipas ang tatlong araw, lumabas ang resulta ng kanyang RT-PCR test na negatibo sa COVID-19.
Gayunman, noong Disyembre 24, dumating ang nasabing seaman sa Iloilo lulan ng Philippine Airlines flight at sumailalim sa home quarantine. Pero nitong Disyembre 27, ang kanyang RT-PCR test result ay positive.
Ang kanyang specimen ay ipinadala sa Philippine Genome Center para sa sequencing at inilipat siya sa quarantine facility, hanggang sa lumabas ang resulta ng pagsusuri na positibo siya sa Omicron variant.
Sinabi ni Dr. Marigold Calsas ng City Health Office na walang naging close contact ang seafarer dahil mag-isa umano siya sa kanyang bahay sa Brgy. Sooc.