BOMBON, Camarines Sur, Philippines — Bulagta ang isang notoryus na tulak ng droga habang sugatan ang isang pulis matapos makipagbarilan ito sa isang buy-bust operation sa Zone-3, Brgy. San Roque ng bayang ito, kamakalawa ng gabi.
Napuruhan sa iba’t ibang bahagi ng katawan at agad nasawi ang suspek na kinilalang si Junnie Oporto Barrios, 33, may asawa, residente ng naturang barangay at nasa listahan ng regional recalibrated priority database ng PRO5 at tatlong beses nang naaresto sa kasong pagtutulak, pero nakalabas makaraang bigyan ng probation.
Kasalukuyang nilalapatan naman ng lunas sa Bicol Medical Center sa Naga City makaraang tamaan ng punglo sa katawan ang pulis na si Cpl. Ronald Largo Serrano.
Sa ulat, alas-10:20 ng gabi ay kumagat ang suspek sa inilatag na buy-bust operation ng Provincial Intelligence Unit, Provincial Drug Enforcement Unit at Bombon Police.
Gayunman, nang magkaabutan ng droga ay nakahalata ang suspek sa senyas ng poseur buyer kaya bumunot ito ng baril at pinutukan ang papalapit na operatiba dahilan para tamaan si Cpl. Serrano.
Agad namang gumanti ng mga putok ang ibang pulis dahilan para tumimbuwang ang suspek at napatay.
Narekober mula sa suspek ang isang kalibre 38 baril, mga bala at dalawang sachet ng shabu.