111 katao dumalo sa convention, nalason!

Nitong alas-9 ng gabi kamakalawa, napag-alaman na umaabot na sa 111 katao ang bilang ng mga nalason na na-admit sa Quezon Medical Center sa lungsod ng Lucena.
STAR/ File

LUCENA CITY, Philippines — Mahigit 100 katao kabilang ang ilang empleyado ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang nabiktima umano ng food poisoning habang ginaganap ang isang mala­king pagtitipon sa Quezon Convention Center nitong Martes.

Nitong alas-9 ng gabi kamakalawa, napag-alaman na umaabot na sa 111 katao ang bilang ng mga nalason na na-admit sa Quezon Medical Center sa lungsod ng Lucena.

Ang mga biktima ay pawang kasapi ng Provincial Union of Leaders Against Illegalities (PULI) at ng Luntiang Katipunero (LK) na nagmula pa sa mga bayan ng Infanta, Tagkawayan, Tiaong, Calauag, Guinayangan, San Francisco, Dolores, Pagbilao, Lucban, Atimonan, Perez, Panukulan, Candelaria, Mauban, Lopez, Sariaya, Plaridel, Burdeos, Perez, Polillio, Quezon, Lucena City at Tayabas.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente habang nagaganap ang payout ng honorarium sa may apat na libong kasapi ng PULI at LK.

Makaraang mag-almusal ng pritong itlog, hotdog at kanin, bigla umanong nakaramdam ng pagkahilo at pagsusuka ang mga biktima na agad isinugod ng mga ambulansya sa ospital kung saan sila ay inilagay sa mga kuwarto na ginamit noon ng mga COVID-19 patients matapos lapatan ng paunang lunas.

Sa kanyang post sa Facebook, humingi ng paumanhin at pang-unawa si Quezon Gov. Danilo Suarez sa mga nalason at sinabing isolated cases lamang ito.

Malakas naman ang mga alegasyon na ang LK at PULI ay ginagamit umano ng mga Suarez sa kanilang pamumulitika, bagay na kanila namang punabubulaanan.

Samantala, inaalam pa ang katotohanan sa likod ng ulat na ang catering services na ginamit sa okasyon ay pag-aari diumano ng isang Tina Talavera na siyang umaaktong hepe ng Provincial General Services Office.

Show comments