4 toneladang gulay ipinadala sa Odette victims
BAGUIO CITY, Philippines — Nagpakita ng kabayanihan at pagiging matulungin sa kapwa sa oras ng kagipitan ang mga maliliit na magsasaka at negosyante sa Benguet katuwang ang mga pulis sa Cordillera matapos silang mag-donate ng apat na toneladang gulay para sa mga nasalanta ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay League of Association at the La Trinidad Vegetable Trading Area Spokesperson Agot Balanoy, ang mga donasyong gulay ay idineliber nila kahapon, Disyembre 21, sa Cebu City.
Nabatid na nag-donate ang mga highland farmers, traders at stakeholders ng 2-toneladang gulay habang karagdagang 2-toneladang gulay pa ang naiambag ng La Trinidad Municipal Police Station (LTMPS) at Police Regional Office-Cordillera (PROCor) mula sa natanggap nilang iba’t ibang vegetable donations.
Sinabi ni Baloy na ang apat na toneladang gulay ay nagkakahalaga ng P80,000 at nangongolekta pa sila ng ikalawang batch ng donasyon para sa mga biktima ni Odette.
Sinabi ni Baloy na isinagawa ang kanilang panawagan para sa donasyon kasunod ng matinding pinsala at delubyo na inabot ng mga residente dulot ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.