Aayuda sa mga nasalanta ni ‘Odette’
MANILA, Philippines — Nag-deploy na ang Philippine Coast Guard (PCG) ng kanilang mga asset para tumulong sa rescue at relief operations sa Dinagat Islands, Siargao Island at Surigao del Norte, at Surigao del Sur sa Mindanao, gayundin sa Gitna at Silangang Visayas na lubhang tinamaan ng bagyong Odette.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Leopoldo Laroya, ang BRP Gabriela Silang (OPV-8301) na isang offshore patrol vessel, at sa kasalukuyan, ang pinakamalaki at pinakamodernong barko ng Coast Guard ay umalis kahapon (Linggo) ng tanghali upang maghatid ng mga relief items, hanggang sa Surigao del Norte, Surigao del Sur, Dinagat Islands, Siargao Island, Southern Leyte, Cebu, at Bohol.
Bukod dito, nagpadala ang PCG ng mga Parola-class patrol vessels para tumulong sa paghahatid ng kinakailangang komunikasyon at mga relief items sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Nabatid na ipinakalat na rin ng PCG ang kanilang Cessna plane para magsagawa ng aerial inspection sa Kabangkalan City sa Negros Occidental.
Ayon pa sa PCG, nagsagawa na sila ng emergency meeting nitong Sabado sa pakikipag-ugnayan nila sa iba’t ibang shipping company para naman sa pagrekober ng mga sasakyang pandagat na sumadsad o nalubog sa Cebu City Pier at sa Mandaue area.
Una nang sinabi ni Commodore Armand Balilio, tagapagsalita ng PCG na nasa 78 barko ang naapektuhan ng hagupit ng bagyong Odette kabilang ang dalawang pinalubog nito sa karagatan sa Cebu.
Samantala, matapos na makalabas ang bagyong Odette sa Philippine area of responsibility (PAR), pinayagan na rin ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang mga sasakyang pandagat na makapaglayag.
Nanawagan din ang ahensya sa mga domestic ship owners na unahin ang transportasyon ng mga kinakailangang relief goods.
Ayon kay MARINA Administrator Vice Admiral Robert Empedrad, pinahintulutan ang mga domestic vessel na maglayag para maiwasan na ma-stranded ang mga pasahero sa mga daungan at terminal at para tumulong sa paghahatid ng mga relief goods sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.
Sa isang command conference, inatasan ni Empedrad ang lahat ng MARINA regional directors na magsagawa ng mabilis na koordinasyon sa mga may-ari ng barko na hindi naapektuhan ng bagyo upang ipagpatuloy ang kanilang operasyon at unahin ang pagdadala ng relief goods para sa apektadong mga residente.