Chiz: Sorsogon tutulong sa mga hinagupit ni ‘Odette’ sa Visayas at Mindanao
MANILA, Philippines — Magpapadala ng ayuda ang lokal ng pamahalaan ng Sorsogon sa mga lugar na apektado ng pananalasa ng super Typhoon Odette sa rehiyon ng Visayas at Mindanao, ayon kay Gov. Francis “Chiz” Escudero.
Ayon sa dating senador, nakahanda ang Sorsogon, bagama’t ito rin ay bahagyang naapektuhan ng malakas na bagyo, na tumulong para sa inisyatibang “rescue, relief and rehabilitation” ng mga local government unit (LGU) na dinaanan ng super typhoon.
“Ang aking taimtim na panalangin para sa mga naapektuhan ni ‘Odette,’” pahayag ni Escudero nitong Biyernes ng gabi.
“Sa ngalan ng mga Sorsoganon, ang lalawigan ng Sorsogon ay magpapaabot ng calamity assistance bilang ambag sa pagliligtas, pagpapagaan ng sitwasyon at rehabilitasyon sa mga apektadong probinsiya,” dagdag pa ni Escudero.
Ang super Typhoon Odette ay may dalang maraming ulan at malakas na hangin na nagpabagsak ng mga poste ng kuryente at imprastrakturang pangkomunikasyon, nagdulot ng pagbaha, at pagkawasak ng mga kabahayan at mga pananim sa maraming probinsiya sa Visayas at Mindanao mula nang ito ay pumasok sa Philippine area of responsibility noong Disyembre 16.
- Latest