MANILA, Philippines — Lumilinaw na ang kaso ng pagpatay sa magkapatid na menor-de edad na sina Crizzle Gwynn at Crizville Louis Maguad sa Cotabato matapos umanong umamin ang adopted daughter o ampon ng pamilya na si “Janice” sa krimen.
Sa pahayag ng ama ng mga biktima na si Cruz Maguad, inggit at selos umano ang dahilan kung bakit pinatay ni Janice ang kanyang mga anak. Gusto raw umanong kunin ni Janice ang puwesto ng kanyang anak na si Crizzle Gwynn.
Isang working student si Janice at ang mismong isa sa biktima na si Crizzle Gwynn ang umampon dito na mula umano sa isang orphanage sa North Cotabato at parang tunay na magkapatid ang turingan ng isa’t isa.
“According sa narinig naming confession niya [Janice], is nagseselos daw talaga siya kay Gwynn…naiinggit siya kay Gwynn. So kaya nga galit na galit siya kay Gwynn dahil gusto niyang kunin talaga ang place ni Gwynn,” ani Cruz.
“Kasi narinig ko, na ‘yun ang personalidad niya kapag galit siya sa isang tao talagang kukunin niya,” dagdag pa niya.
Noong Disyembre 10, alas-2:00 ng tanghali nang maganap ang pagpatay sa magkapatid na Crizzle at Crisville Louis. Naging isa sa “persons of interest” at “material witness” ng pulisya si “Janice” dahil siya ang kasama ng mga biktima at ang tanging nakaligtas sa sinasabi nitong panloloob sa kanilang bahay.
Bago mag-post sa Facebook, nagpadala muna si Janice ng mensahe sa chat room ng pamilya na pinasok umano ang kanilang bahay ng mga ‘di kilalang tao bandang alas-2:58 ng hapon. Matapos nito, nag-post sa Facebook si Janice dakong alas-3:04 ng hapon para humingi ng tulong matapos silang pasukin umano ng mga magnanakaw.
Mas naging kahina-hinala umano si Janice nang magpalit ito ng pangalan sa Facebook. Naging kuwestiyon din na inuna pa niya na maligo sa kabila na duguang nakahandusay ang magkapatid sa kanilang bahay.
Nasa kustodiya ng Social Welfare and Development Office sa M’lang, North Cotabato si Janice dahil sa pagiging menor-de-edad nito bagama’t nahaharap sa kasong murder habang pinaghahanap ng pulisya ang isang kasamahan nito.