Baguio at Benguet nagtala ng ‘zero case’ sa COVID-19
BAGUIO CITY , Philippines — Magandang balita!
Ito ang inihayag ng Baguio City Health and Services Office (HSO) matapos na makapagtala sila ng zero ng bagong COVID-19 case sa lungsod.
Ayon sa HSO, ang Baguio ay mayroon na lamang ngayon na 20 active cases. Gayunman, ikinalungkot ng HSO nang maitala nila ang isang pasyente na namatay na may kaugnayan sa COVID nitong Lunes.
Samantala sa Kabayan, Benguet, inianunsyo rin na nitong alas-5 ng hapon ng Disyembre 13, 2021 ay wala na silang aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan.
Sinabi ng lokal na pamahalaan na ang pagkawala ng kaso ng COVID sa Kabayan ay bunga na rin ng pagtutulungan at kooperasyon ng Kabayan COVID Surge Incident Management Team, medical frontliners, municipal officials, employees at ang komunidad.
Ayon sa Benguet Provincial Health Office, ang mga bayan din ng Bokod at Bakun dito ay wala na ring naitalang active cases ng COVID-19 nitong alas-5 ng hapon ng Disyembre 12, 2021.
- Latest