DARAGA, Albay, Philippines — Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang 24-anyos na binatang rider matapos sumemplang ang kanyang minamanehong motorsiklo sa kahabaan ng Maharlika National Highway sa Purok-3, Brgy. Anislag ng bayang ito kamakalawa ng madaling araw.
Dead-on-the-spot dahil sa matinding pinsala at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si David Maso Madon, residente ng Brgy. Malobago.
Sa ulat, dakong alas-3:40 ng madaling araw, mabilis na binabagtas ng Suzuki motorcycle (IW-8884) ng biktima ang kahabaan ng highway patungong poblacion. Gayunman, aksidente itong sumabit sa “cordon line” ng kalsada dahilan para mawalan ng kontrol at tumilapon ang biktima ng halos may 50 metro at humampas ang katawan nito sa semento.
Isusugod pa sana sa pagamutan ang biktima ng mga rumespondeng residente at opisyal ng barangay pero wala na siyang buhay.