MANILA, Philippines — Nakatanggap umano ng mga “death threat” o pagbabanta sa kaniyang buhay ang beteranong reporter na si Jesus “Jess” Malabanan bago siya pinaslang ng dalawang armadong lalaki sa Calbayog City, Western Samar noong Miyerkules ng gabi.
Ito ang nabatid sa pamilya at mga kaibigang mamamahayag ni Malabanan, isang dating Pampanga–based journalist na lumipat sa Calbayog City.
Si Malabanan, 58- anyos, news correspondent ng Manila Standard, Bandera at Reuters ay kasalukuyang nanonood ng telebisyon kasama ang misis nitong si Mila nang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. San Joaquin, Tinambacan District, Calbayog City bandang alas-6:30 ng gabi.
Ang biktima ay napuruhan ng mga tama ng bala sa ulo at idineklarang dead-on-arrival sa Saint Camilus Hospital sa lungsod.
Bumuo na si Police Regional Office (PRO) 8 Director P/Brig. Gen. Rommel Bernardo Cabagnot ng Special Investigation Task Group (SITG) upang resolbahin ang kaso ng pagpatay kay Malabanan.
Sa isang Facebook post ng veteran reporter na si Manny Mogato, kasamahan sa Reuters ni Malabanan, sinabi nito na malaki ang naiambag ng biktima sa pagwawagi ng kanilang istorya sa mga biktima ng drug war ng administrasyong Duterte para makamit ang Pulitzer Prize noong 2018. Dahil aniya sa pagsusulat ni Malabanan ng mga istorya sa drug war ay nagsimula na siyang makatanggap ng mga pagbabanta sa kaniyang buhay.
Kinondena ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang pagpatay kay Malabanan.
Nanawagan naman si ACT-CIS Partylist Rep. Rowena Niña Taduran, House Assistant Majority Leader sa PNP na agad resolbahin ang pagpatay kay Malabanan upang mabigyan ng hustisya. Aniya, ang kamatayan ni Malabanan ay hindi katanggap-tanggap lalo na sa panahong ang gobyerno ay masigasig sa paghadlang sa karahasan laban sa mga mamamahayag.