MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan ni Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Dionardo Carlos, ang naganap na accidental firing sa loob ng police training camp na ikinasugat ng dalawang pulis sa La Union kamakalawa. Batay sa report mula sa Police Regional Training Center 1, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng hapon nitong Martes sa Andres Bonifacio Room ng Regional Traning Center-1 sa Brgy. Poblacion, Aringay, La Union.
Nagsasagawa umano ng lecture si P/Corporal Benie Dupayat, 32, sa kanyang mga trainees na kabilang sa Bravo Company of Mahigmayan at itinuturo ang Basic Parts of Firearms and Gun Safety Rules o paghawak at pag-assemble ng armas nang biglang pumutok ang baril at tinamaan si Patrolman John Conrad Villanueva, 23, at Dupayat. Si Dupayat ay nasugatan sa kamay habang sa hita naman si Villanueva. Dinala ang dalawa sa Caba District Hospital.
Ang mga trainees ay sumasailalim sa Public Basic Recruit Course. Nabatid na ang firearms familiarization ay pagpapakita ng paggamit ng caliber .45 pistol na baril. Sinabi ni Carlos na kailangan na muling rebisahin ang polisiya sa pagtuturo sa paghawak ng baril upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. Aniya, ang baril ang pangunahing sandata ng mga pulis kaya dapat lamang na tama ang paghawak nito at may sapat na kaalaman ang nagtuturo.