Kotong cop arestado sa entrapment
Motoristang walang vax card kinikilan
MANILA, Philippines — Inaresto ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang kanilang ka barong pulis na nangongotong umano sa mga motoristang walang maipakitang vaccination card sa isinagawang entrapment operation sa Bayambang, Pangasinan, kamakalawa.
Kinilala ang naaresto na si PCpl Daniel Penuliar, nakatalaga sa Bayambang Police Station.
Ayon kay Brig. Gen Oliver Enmodias, director ng PNP-IMEG, alas-7:15 ng gabi nang isagawa ang entrapment operation sa police checkpoint sa Brgy. Pantol ng nasabing bayan.
Inaresto ng mga operatiba ang suspek nang tanggapin nito ang P500 marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na motorista nang pahintuin at sitahin sa checkpoint sa axis road sa nasabing barangay.
Sinabi ni Enmodias na modus ng suspek ang sitahin ang mga motorista at hahanapan ng vaccination card at kapag walang maipakita ay kailangang magbigay o magbayad ng P500 bago payagang makabiyahe o makadaan.
Narekober sa suspek ang isang PNP ID, Glock pistol na may 3 magazines, hand held radio at marked money na P500.
- Latest