CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan, Philippines — Arestado ng Norzagaray Police ang isang drug suspect matapos makuhanan ng isang sachet ng shabu at isang toy gun habang 9 pang katao ang dinampot sa ikinasang “Oplan Sita” kamakalawa ng madaling araw sa lalawigan.
Sinabi ni Col. Manel Lukban, acting director Bulacan Police Provincial Office, kinilala ang naaresto na si Donald Tayao, nasa hustong gulang at residente ng Minuyan, San Jose del Monte City.
Narekober ng mga elemento ng Norzagaray Police at mga barangay tanod sa suspek ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, itim na laruang baril sa kanyang bewang at isang motorsiklo.
Samantala, dinakip sa magkahiwalay na buy-bust operation Provincial Intelligence Unit (PIU) at Pandi Police sina Junior Sebastian ng Bunsuran III, Pandi; Alvin Villanueva; at Gary Mendoza na kapwa residente ng Capihan, San Rafael, Bulacan dahil sa mga puslit na sigarilyo. Gayundin, ang suspek na si Cesar Abayan alyas “Bilog” ng Sapang Bulac, Doña Remedios Trinidad ay naaresto sa dragnet operation ng dahil sa paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016).
Naaresto rin sa anti-illegal gambling operation ng Meycauayan Police sina Rodlofo Capati alyas “Kambal”, Jimmy Ponciano at John John Cristobal alyas “Jokno” dahil sa sugal na cara y cruz.
Samantala, dalawang wanted person ang naaresto sa magkahiwalay na manhunt operations ng tracker teams ng Marilao at Plaridel Police na kinilalang sina Richard Uy alyas “Reyes” sa kasong carnapping at Ramil Deocareza sa paglabag sa R.A. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.